Tulad ng Banal na Biblia, ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Ang pinakamahalagang kaganapan na itinala sa Aklat ni Mormon ay ang pagbisita ni Jesucristo—kabilang na ang Kanyang mga turo at ministeryo—sa mga naniniwala sa mga sinaunang lupain ng Amerika. Ipinapakita ng salaysay na ito na ipinaaabot ng Diyos ang mga parehong pagpapala at oportunidad sa lahat ng Kanyang anak at na ang Kanyang pagmamahal ay hindi lang para sa mga tao mula sa isang panig ng mundo. Anuman ang wikang ginagamit natin o anuman ang itsura natin, mahal tayo ng Diyos at nais Niyang mas mapalapit tayo sa Kanya.
Narito ang buod ng pambihirang isang libong taon ng kasaysayan na ikinuwento sa Aklat ni Mormon:
Sa madaling salita, ang Aklat ni Mormon ay isang kuwento tungkol sa isang pamilya. Ang ama ng pamilyang iyon na si Lehi ay isang propeta sa sinaunang Jerusalem. Binalaan ng Diyos si Lehi sa isang panaginip na dalhin ang kanyang pamilya at lisanin ang Jerusalem dahil ang lungsod at ang mga mamamayan nito ay malapit nang bihagin ng isa pang bansa. Tinawid nila ang karagatan patungo sa mga lupain ng Amerika. Sina Laman at Lemuel na pinakamatatandang anak na lalaki ay hindi naniwalang ang kanilang ama na si Lehi ay nabigyang-inspirasyon. Madalas silang magreklamo. Ang nakababata nilang kapatid na si Nephi ay puno ng pananampalataya. Si Nephi ay pinili ng Diyos na mamuno sa pamilya at maging guro nila.
Kalaunan ay nahati ang mga tao sa dalawang grupo, ang mga Nephita at ang mga Lamanita. Ang mga grupong ito ay madalas magdigmaan at ang kanilang pananampalataya ay walang humpay na sinubukan. Ang pananampalatayang ito ang pumupuno sa mga pahina ng Aklat ni Mormon bilang mga makapangyarihang sermon, propesiya, aral sa buhay, at espirituwal na karanasan.
Matapos mabuhay na mag-uli si Jesus sa Jerusalem, nagpakita Siya sa mga tao sa mga lupain ng Amerika. Tinuruan Niya sila tungkol sa binyag, kapatawaran, at pagpapatawad. Pinagaling Niya ang kanilang mga maysakit at binasbasan ang kanilang mga anak. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan. Hindi katulad ng yaong mga nasa Jerusalem, nakinig ang mga tao kay Jesus. Pagkatapos, namuhay sila sa kapayapaan sa loob ng daan-daang taon. Sa paglipas ng panahon, nawalan ng pananampalataya ang mga tao at ibinaon ng propetang nagngangalang Moroni ang kanilang mga talaan upang maingatan ang mga ito para sa susunod na panahon at mga tao—para sa atin! Si Joseph Smith ay ginabayan patungo sa mga talaang iyon at isinalin niya ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang mga turo nito ay nagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo at nagbibigay-inspirasyon sa milyon-milyong katao ngayon.