Mga Karaniwang Tanong
Sa ibaba ay mga tanong na karaniwang tinatanong sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kung may karagdagang tanong ka, masisiyahan kaming i-iskedyul na dalawin ka ng mga missionary.
Paniniwalang Kristiyano
Oo! Siyempre. Palayaw lang naman ang “Mormon.” Kami ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kaugnay nito, naniniwala kami na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, Tagapagligtas ng Mundo, at mahal Niya tayo nang higit pa sa kaya nating isipin. Ibig sabihin ba na eksaktong magkakatulad ang paniniwala namin sa bawat simbahang Kristiyano? Hindi. Ngunit, siyempre, kinikilala namin ang aming sarili bilang matatapat na tagasunod ni Jesucristo.
Ang Santisima Trinidad ay katagang ginagamit ng maraming Kristiyanong relihiyon upang ilarawan ang Diyos Ama, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may malakas na paniniwala sa kanilang tatlo, ngunit hindi kami naniniwala na iisang nilalang lang sila. Naniniwala kami na Sila ay nagkakaisa sa layunin. Ang kanilang layunin ay tulungan tayong makamit ang tunay na kaligayahan, sa buhay na ito at sa buhay na paparating (na pinaniniwalaan din namin).
Oo. Si Jesus ang saligan ng aming pananampalataya. Katunayan, mas nais naming tawagin ang aming Simbahan sa buong pangalan nito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Nakasaad sa Aklat ni Mormon, “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).
Ang katawagang “Mormons” ay palayaw na nanggaling sa isang banal na kasulatan na sa aming Simbahan lamang matatagpuan, na tinatawag na Aklat ni Mormon. Hindi kami ang gumawa ng palayaw na ito, ngunit maraming mga tao ang gumagamit nito para tukuyin ang Simbahan at ang mga miyembro nito. Noon, tinanggap natin ang katawagan at ginamit din para sa aming mga sarili, ngunit kamakailan lamang ay sinimulan naming hilingin sa mga tao na tawagin ang Simbahan sa buong pangalan nito: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa ganitong paraan, malalaman ng lahat na si Jesus ang sentro ng aming relihiyon at paniniwala.
Ang “Mga Banal sa mga Huling Araw” ay mabuting paraan upang tawagin ang mga kaibigan mo na mga miyembro ng Simbahan.
Oo. Talagang naniniwala kami rito. Ito ay salita ng Diyos, isang sagradong pinagtipun-tipon na mga banal na kasulatan, at kinakailangang basahin para sa masayang buhay. Kasama ng Biblia, nakakahanap din kami ng inspirasyon sa iba pang banal na kasulatan na natatangi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagtutulungan ang mga ito na magturo ng mga mahahalagang katotohanan tungkol kay Jesucristo.
Ang Biblia ay isinulat ng mga inspiradong kalalakihan na tinatawag na propeta. Nangusap ang Diyos sa mga propeta gaya ni Moises at Isaias at isinulat nila ang Kanyang mga turo. Ang mga kasulatan na ito ang bumubuo ng Lumang Tipan. Ang Bagong Tipan ay mga tinipon na kasulatan mula sa mismong mga tagasunod ni Jesus at mga liham ni Pablo at iba pang mga Apostol. Kapwa parehong tipan ay isinalin kalaunan at pinagsama sa isang libro na kilala natin ngayon bilang Biblia.
Aklat ni Mormon
Ang Aklat ni Mormon ay isang aklat ng inspiradong banal na kasulatan na nariyan upang bigyan tayo ng gabay sa buhay at ilapit tayo kay Jesus. Saan nanggaling ang pangalan nito? Daan-daang taon na ang nakalipas, isang sinaunang propetang nagngangalang Mormon ang nagtipon ng mga tala ng kanyang mga tao. Hinarap din nila ang maraming hamon na katulad ng mga hamon natin. At gaya lang din natin, nakatagpo sila ng lakas nang bumaling sila kay Jesucristo. Ngayon, ang Aklat ni Mormon ay dapat basahin kasama ng Biblia upang mas mapalapit tayo sa Diyos at maunawaan ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin.
Narito ang maikling buod ng isang-libong taon ng mahabang kasaysayan:
Sa madaling sabi, ang Aklat ni Mormon ay isang kuwento tungkol sa isang pamilya. Si Lehi ay isang propeta sa Jerusalem. Binalaan ng Diyos si Lehi sa isang panaginip na dalhin ang kanyang pamilya at lisanin ang Jerusalem dahil sasakupin iyon. Tinawid nila ang karagatan patungo sa mga lupain ng Amerika. Hindi naniwala sina Laman at Lemuel, ang nakatatandang mga anak na lalaki, na binigyang-inspirasyon ang kanilang amang si Lehi. Madalas silang magreklamo. Ang nakababata nilang kapatid na si Nephi ay puspos ng pananampalataya. Pinili ng Diyos si Nephi na mamuno sa pamilya at maging guro nila.
Kalaunan ay nahati ang kanyang pamilya sa dalawang grupo: mga Nephita at mga Lamanita. Ang mga grupong ito ay madalas mag-away at palaging sinusubukan ang kanilang pananampalataya. Ang pananampalatayang ito ang pumupuno sa mga pahina ng Aklat ni Mormon bilang makapangyarihang mga sermon, aral sa buhay, at espirituwal na karanasan.
Matapos mabuhay na mag-uli si Jesus, nagpakita Siya sa mga tao sa lupain ng Amerika. Tinuruan Niya sila tungkol sa binyag at kapatawaran. Pinagaling Niya ang kanilang maysakit at binasbasan ang kanilang mga anak. Itinatag Niya ang Kanyang simbahan. Hindi katulad ng mga nasa Jerusalem, nakinig ang mga tao kay Jesus. Pagkatapos, namuhay sila sa kapayapaan sa loob ng daan-daang taon.
Sa paglipas ng panahon, nawalan ng pananampalataya ang mga tao at muling nagkaroon ng digmaan, na lumipol sa halos buong populasyon.
Tulad ng Biblia, maraming manunulat ang Aklat ni Mormon. Ito ay isang koleksyon ng mga journal at kasaysayang ipinasa-pasa mula sa isang manunulat patungo sa isa pa sa loob ng halos 1,000 taon. Ang unang manunulat ay ang propetang si Nephi, na nilisan ang Jerusalem kasama ng kanyang pamilya noong 600 BC at naglayag patungo sa mga lupain ng Amerika. Ipinasa ni Nephi ang talaan sa kanyang nakababatang kapatid na lalaki, na ipinasa naman iyon sa kanyang anak na lalaki. Ibinigay ng bawat manunulat ang talaan sa isang taong pinagkakatiwalaan nila. Mormon ang pangalan ng propeta na tinipon ang lahat ng nakasulat sa iisang aklat, kaya ito tinatawag na Aklat ni Mormon.
Noong 1823, inakay si Joseph Smith sa mga sinaunang talaan at isinalin ang mga iyon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Ang Aklat ni Mormon ay sumusuporta sa Biblia at kadalasan ay nililinaw ang mga turo ni Jesucristo. Sa Biblia, pareho ang mga kuwento nina Marcos at Lukas tungkol kay Jesus, ngunit mas marami kang matututuhan kapag kumuha ka ng impormasyon mula sa dalawang pananaw.
Nang magkasama, ang Aklat ni Mormon at ang Biblia ay naglalaman ng libu-libong taong halaga ng inspirasyon, patnubay, at tagubilin. Sa pag-aaral sa dalawang aklat na ito, mas mauunawaan mo kung sino ang Diyos at kung ano ang nais Niya para sa iyo.
Uri ng Pamumuhay
Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay katulad lamang ng mga ordinaryong tao. Mayroon silang masasaya at malulungkot na karanasan sa iba’t ibang antas. Sa katunayan, baka magulat ka kapag nakita mo kung gaano talaga kami ka-normal! Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may reputasyon na masaya at payapang mga tao. Ngunit hindi iyan nangangahulugan na wala silang mga hamon sa buhay. Lahat ay may pinagdaraanang mga paghihirap sa buhay—pero kapag ginagawa mo ang lahat para ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, magkakaroon ka ng karagdagang lakas at kapayapaan para malampasan iyon.
Pagdating sa kanilang pamumuhay, sinisikap ng mga Banal sa mga Huling Araw na manatiling nakatuon kay Jesus. Ang kanilang mga paniniwala tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo ay nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na mga desisyon tungkol sa kanilang pananalita, pananamit, at pagkilos. Halimbawa, sinisikap nilang iwasang magtrabaho tuwing Linggo para makasimba sila, makapaglingkod sa iba, at makasama ang pamilya. Ang matatapat na miyembro ng simbahan ay hindi rin naninigarilyo, umiinom ng alak, o nagsusugal.
Pinipili ng mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ang hindi pag-inom ng beer dahil naniniwala kami sa inspiradong batas ng kalusugan na naghihikayat sa amin na alagaan ang ating mga katawan. Karamihan sa mga iyon ay mga praktikal na bagay. Hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Hindi umiinom ng alak. Hindi naninigarilyo. Ngunit bukod pa riyan, hindi umiinom ng kape o tsaa. Ang kadahilanan sa pag-iwas ng iba pang mga bagay, gaya ng kape o tsaa, ay marahil hindi gaanong halata. Gayunpaman, naniniwala kami na ang mga turong ito ay galing sa Diyos, kaya sinisikap naming umiwas sa mga bagay na iyon.
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maraming kultural na tradisyon at mga kaugalian na nakasentro sa pamilya. Halimbawa, nagrereserba ng isang gabi ang mga miyembro ng Simbahan sa loob ng isang linggo para sa family home evening, o family night. Ang iba pang mga aktibidad sa buong linggo ay kinabibilangan ng mga pagtitipon sa Simbahan tulad ng mga potluck at maliliit na party, o mga grupo ng mga kabataan para sa mga tinedyer. Marami sa aming mga tradisyon ay tulad din ng karamihan sa inyo, tulad ng pagdiriwang ng mga pista-opisyal kasama ng aming pamilya, at ang iba ay naiiba—tulad ng pag-aalay ng isang sagradong basbas para sa isang bagong silang na sanggol sa oras ng samba. Bilang mga pamilya, sama-sama kaming nagdarasal, sama-samang nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at sa unang Linggo ng bawat buwan, sama-sama pa nga kaming nag-aayuno sa loob ng 24 na oras.
Hindi. Bawat pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw ay magkakaiba. Mayroon bang inirekomendang laki ng pamilya? Muli, wala. Ito ay personal na desisyon. Ang pamilyang nagmamahalan ay maaaring malaki o maliit o anuman sa gitna nito.
Hindi. Noong nag-uumpisa pa lang ang Simbahan, iniutos ng Panginoon sa ilang piling miyembro ng Simbahan na isagawa ang pag-aasawa nang higit sa isa. Gayunman, nakatanggap ng paghahayag sa may huling bahagi ng 1800’s na itigil ang gawaing iyon. Mula noon, itinuturo ng Simbahan na ang pagkakaroon ng iisang asawa (monogamy) lamang ang kasal na ipinag-uutos ng Panginoon ngayon. Bagaman may iilang mga tao ngayon na nagpapakasal nang higit sa isa, ang mga taong ito ay hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang ligtas na lugar kung saan makakapunta ang mga tao para sa pag-asang magkaroon ng mas magandang buhay sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang Simbahan ay naglalaan ng mga sagradong kasangkapan, gawi, at turo na makatutulong sa iyo na magkaroon ng ugnayan sa Diyos at mapagbuti ito. Bukod pa sa lahat ng iyan, ang pagiging miyembro ng Simbahan ay nangangahulugan ng pagiging kabilang sa isang komunidad ng mga tao na nagmamalasakit sa isa’t isa.
Oo, kapwa bilang indibiduwal na pamilya at bilang Simbahan. Sa huli, kung ang kapanganakan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo ay hindi nararapat ipagdiwang, ano pa ang nararapat na ipagdiwang? Minsan napagkakamalan kaming kabilang sa ilang Kristiyanong relihiyon na hindi nagdiriwang ng Pasko, ngunit makasisiguro ka, ginagawa namin ito.
Mga pulong sa simbahan
Ang mga oras ng mga pulong sa Simbahan ay iba-iba ayon sa kongregasyon. Gayunman, maaasahan mong may isang pangunahing pulong para sa lahat na susundan ng mga klase ayon sa edad, grupo, o pangkalahatang interes.
Ang pulong para sa lahat ay tinatawag na “sacrament meeting.” Ang pulong na ito ay binubuo ng mga awitin, panalangin, at sermon (o “mga mensahe”) na ibinibigay ng iba’t ibang miyembro ng kongregasyon bawat linggo. Ngunit ang pinakamahalagang bahagi ng pulong na ito ay ang pagtanggap namin ng sakramento (o Komunyon) upang alalahanin ang Tagapagligtas.
Dumarami ang mga tao na tumatanggi sa idea ng organisadong relihiyon at mas nanaisin pang maging espirituwal at sikaping mamuhay nang matuwid. Ngunit kailangan ng mga tao ang dalawang ito. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbibigay ng organisasyon at awtoridad ng priesthood na kinakailangan upang matupad ang lahat ng mga utos ng Diyos, kabilang ang pagbibinyag at pagtanggap ng sakramento (o Komunyon). Kailangan mong magsimba tuwing Linggo, habang nagsisikap na maging espiritwal at maglingkod sa iba sa buong linggo.
Basta magbihis ka lang nang maayos. Maaari kang pumunta na suot ang anumang maayos na damit na komportable ka. Ngunit para sa iyong kaalaman, karamihan sa mga lalaki ay nagsusuot ng amerikana o polo at kurbata, at ang mga babae naman ay nagsusuot ng bestida o palda. Ganito rin ang karaniwang suot ng mga bata.
Hindi naman sana. Marami sa aming mga miyembro ang nagsisimba nang mag-isa tuwing linggo. Gayunman, kung gusto mong may kasama ka sa unang pagpunta mo, huwag mahiyang kontakin ang mga lokal na missionary at ihahanap ka nila ng kaibigang makakatabi mo. Mahirap talaga kapag bago ka pa lang, anuman ang sitwasyon, ngunit hindi maglalaon ay makikilala mo ang ibang mga miyembro at makakampante ka na.
Oo! Inaanyayahan kang sumali sa amin sa mga lingguhang aktibidad, outing ng mga grupo, proyektong panserbisyo, at samba sa simbahan. Ikalulugod naming makilala ka at pasasalamatan namin ang iyong pagdalo.
Hindi. Ang mga bisita ay hindi kinakailangang makibahagi. Kapag inabot ang tinapay at tubig ng sakramento (o Komunyon) sa kongregasyon, maaari kang makibahagi bilang pag-alaala sa katawan at dugo ni Cristo, o maaari mong ipasa ang tray sa katabi mo. Maliban diyan, maupo ka nang komportable at pagmasdan lang ang pulong. Sa klase sa Sunday School, madalas humihiling ang titser ng boluntaryong magbabasa. Panatilihin mo lang na nakababa ang kamay mo kung mas nanaisin mong hindi makibahagi.
Siguro’y depende ito sa laki ng kongregasyong dadaluhan mo. Ang ilang kongregasyon ay napakalaki kaya maaaring hindi malaman ng mga miyembro doon na ikaw ay bisita. Ang iba ay maliliit kaya magkakakilala ang mga miyembro at malalaman nila at malugod nilang tatanggapin ang bagong bibisita. Anuman ang sitwasyon, huwag mag-atubili na magpakilala o magtanong. Masisiyahan ang lahat na naroroon ka.
Kaya nila at ginagawa nila. Nangangaral sila sa pulpito, naglilingkod bilang missionary, lider, tagapayo, at guro, kasama sa marami pa nilang ibang responsibilidad.
Hindi. Hindi kami nanghihingi ng donasyon o nagpapasa ng plato para sa donasyon.
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay opisyal na itinatag sa Fayette, New York noong 1830. Ang unang Pangulo ng Simbahan ay si Joseph Smith. Nagpakita sa kanya si Jesucristo at ang Ama sa Langit at tinawag siya na propeta na magpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo. Tinanggap niya ang priesthood ng Diyos, isinalin ang Aklat ni Mormon, at nagpadala ng mga missionary upang ipangaral ang ebanghelyo sa North America at sa ibayong dagat.
Ang headquarters ng Simbahan ay lumipat sa Ohio, Missouri, at Illinois para makatakas sa mga pagmamalupit at makahanap ng lugar na mapagtitipunan ng mga miyembro nito. Dahil sa paghihinala at politikal na hidwaan, ang propetang si Joseph Smith ay ikinulong nang labag sa batas noong 1844 at pinatay ng mga armadong tao.
Sumunod si Brigham Young na naging Pangulo ng Simbahan. Inakay niya ang mga Banal na tawirin ang mga kapatagan ng Estados Unidos sakay ng mga bagon patungo sa Rocky Mountains ng Utah. Mula noong araw na iyon, kapansin-pansin ang paglago ng Simbahan sa buong mundo. Ngayon ay may mahigit 15 milyong miyembro sa 170 bansa sa buong mundo.
Ang Buhay ni Jesucristo
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang muling pagsasama ng espiritu at katawan pagkatapos ng kamatayan at hindi na muling maghihiwalay pa. Bumangon si Jesus mula sa mga patay, o nabuhay na mag-uli, tatlong araw pagkatapos ng Kanyang pagpapako sa krus. Nabubuhay pa rin Siya hanggang ngayon, at tayo rin ay mabubuhay na mag-uli at maaaring mabuhay muli kasama ang Diyos.
Walang nakakaalam kung kailan iyan magaganap. Ngunit alam natin na babalik Siyang muli. Sinabi ng mga anghel sa mga Apostol ni Jesus, “Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit” (Mga Gawa 1:11). Ang Biblia at ang Aklat ni Mormon ay nangungusap tungkol sa mga palatandaan na mangyayari bago ang Ikalawang Pagparito gaya ng mga digmaan, taggutom, at ang ebanghelyo ni Jesucristo na maipapangaral sa lahat ng bansa.
Sa Biblia, si Jesus ay tinutukoy sa halos 200 magkakaibang pangalan, titulo, at paglalarawan. Marami sa mga titulong ito ang mahusay na nailalarawan ang Kanyang kamaharlikaan at misyon.
- Cristo
- Tagapagligtas
- Manunubos
- Anak ng Diyos
- Jehova
- Kordero ng Diyos
- Tinapay ng Buhay
- Tagapayo
- Emmanuel
- Ilaw ng Sanlibutan
- Panginoon
- Guro
- Tagapamagitan
- Tubig na Buhay
- Prinsipe ng Kapayapaan
- Tagapagtaguyod
- Mesiyas
- Banal ng Israel
- Bugtong na Anak
- Mabuting Pastol
Katangian ng Diyos
Naniniwala kami na lahat tayo ay mga anak ng Ama sa Langit. At bilang mabuti at mapagmahal na ama (sa katunayan, isang perpektong ama), nagmamalasakit Siya sa iyo. Kilala ka Niya—alam Niya ang iyong mga hamon, tagumpay, kakayahan, at ang iyong kamangha-manghang potensyal. Sa lahat nang iyon, mahal ka Niya. Sobra. Walang mas mahalaga sa Kanya kundi ang iyong kaligayahan. Kaya gusto Niya na makilala mo Siya.
Kung naghahanap ka ng siyentipikong katunayan na mayroong Diyos, nais naming magmungkahi ng ibang pamamaraan. Bawat isa sa atin ay maaaring makatanggap ng kaalaman na totoo ang Diyos, ngunit nangyayari ito sa pamamagitan ng malalim na personal na proseso ng paghahanap sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral, paglilingkod, pagdarasal, at banal na inspirasyon. Kapag mayroon na tayong kaalaman na iyon, makikita natin ang patunay na mayroong Diyos saan man tayo tumingin—sa kalikasan, sa pang-araw-araw na pamumuhay natin, at sa mga sagot sa ating mga panalangin.
Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, walang titulo para sa Diyos ang mas hihigit pa kaysa sa Ama sa Langit. Ito ay dahil sa naniniwala kami na bawat tao ay may espiritu, at ang Diyos ang ama ng mga espiritung iyon. Tayo ay literal na mga anak Niya, at nais Niyang magkaroon ng kaugnayan sa atin. Ang ibang mga tawag sa Diyos (na nagmula sa wikang Hebreo) ay matatagpuan din sa Biblia—gaya ng Elohim, Yahweh, at Abba—na siyang paraan ng pagtawag ni Jesucristo sa Diyos nang magdasal Siya sa Halamanan ng Getsemani. Ano ang ibig sabihin ng Abba? Ama.
Panalangin
Hinihikayat tayo ng Biblia na magdasal, at nagbibigay ito ng maraming halimbawa at payo kung paano ito gagawin:
Marcos 11:24
“Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng bagay na iyong idalangin at hingin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at iyon ay mapapasainyo.”
Colosas 4:2
“Magpatuloy kayo sa pananalangin, at kayo’y magbantay na may pagpapasalamat.”
Santiago 5:16
“Kaya’t ipahayag ninyo sa isa’t isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa’t isa, upang kayo’y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.”
1 Juan 5:14
“Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya.”
Nang hinikayat ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo na magdasal, nag-alay Siya ng dasal bilang halimbawa para sa kanila. Ito ay nakilala bilang Panalangin ng Panginoon, at makapagdarasal tayo gamit ang kaparehong huwaran. Nagsisimula tayo sa pagtawag sa Diyos at pagpapasalamat, pagkatapos ay humihiling ng mga kakailanganin natin bago tapusin ang panalangin sa “amen.” Mahahanap mo ang kuwentong ito sa Mateo 6:9–13 at Lucas 11:1–4.
Maraming pamamaraan ang pagdarasal. Maaari tayong magdasal nang mag-isa, o bilang isang pamilya. Sa katunayan, makapagdarasal tayo sa oras ng kainan, bago matulog, pagkagising, o anumang oras. Ang mahalaga rito ay naglalaan tayo ng oras upang taos-pusong mag-alay ng ating pasasalamat sa Diyos at humingi sa Kanya ng tulong.
Dagdag pa sa pagdarasal, ang pagninilay ay makakatulong sa atin na maituon ang ating mga isip sa Diyos at maramdaman ang Espiritu. Sa ganoong paraan, ang pagninilay ay nakakatulong sa atin na maghandang magdasal.
Mga templo at kasal
Depende. Ang templo ay bukas lamang sa mga miyembro ng Simbahan na nagsikap ihanda ang kanilang sarili upang mas sulitin ang karanasan sa templo. Ngunit kapag ang templo ay bagong tayo, at sa ilang espesyal na pagkakataon, nagsasagawa ng open house para sa publiko upang makalibot sila sa loob. Saka, maraming templo ang may mga visitors’ center at ang bakuran ng mga templo ay bukas sa lahat.
Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang templo ay kakaiba sa ibang mga gusali ng simbahan. Ito ay lugar kung saan ang mga miyembro ng Simbahan ay nagtutungo upang gumawa ng mga pangako sa Diyos. Kabilang diyan ang pangako na sundin ang mga kautusan, maging mabuting asawa, at tumulong na alagaan ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mayroon tayo. At, dahil naniniwala kami na ang pamilya ay walang hanggan, maraming gawain ang isinasagawa sa templo upang ang ugnayan ng pamilya ay maging mas matatag. Ang mga kasal ay isinasagawa para magtagal sa habang panahon—hindi lamang “hanggang sa paghiwalayin kayo ng kamatayan [until death do you part].” Ang mga magulang at mga anak ay nagiging walang-hanggang pamilya. Inaalala namin ang aming mga ninuno. Maraming gawain sa templo!
Ang pamilya ay sentro sa plano ng Diyos para sa ating kaligayahan, at ang kasal ay sinadyang magtagal nang higit pa sa “hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan (until death do you part).” Sa templo, ang mag-asawa ay pinagbubuklod nang walang-hanggan. Ang seremonya ng kasal na ito ay tinatawag na “pagbubuklod” sa templo dahil ang mag-asawa ay pinag-iisang dibdib sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ang mag-asawa ay nanunumpang gagalangin at iibigin ang isa’t isa nang buong-buo at nangangakong susundin ang mga turo at halimbawa ni Jesus. Bilang ganti, pinapangakuan sila na ang kanilang kasal at ang kanilang pamilya ay magtatagal hanggang sa kabilang buhay.
Sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mag-asawang lalaki at babae ay pinag-iisa sa kawalang-hanggan. Ang seremonya ng kasal na ito ay tinatawag na “pagbubuklod” sa templo dahil ang mag-asawa ay pinag-iisang dibdib sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Matapos ng seremonyang iyon, gayunpaman, ang kasal ay kadalasang ipinagdiriwang nang may handaan para sa kainan, sayawan, at pagsasama-sama upang ipagdiwang ang pagmamahalan.
Ang partikular at naiibang kasuotang panrelihiyon ay karaniwan sa maraming relihiyon. Ang kasuotang panrelihiyon ay nagagamit sa iba’t ibang layunin. Ang “mormon underwear,” o mas angkop na tawaging temple garment, ay binubuo ng dalawang piraso, na kagaya ng panloob na pantaas at pambaba. Sinusuot ang mga ito bilang panloob ng mga adult na miyembro ng Simbahan. Nagsisilbi itong paalala sa mga pangakong ginawa nila sa Diyos. Ang mga ito ay itinuturing na sagrado ng mga miyembro na nagsusuot nito.
Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maaaring ikasal sa kung kanino nila gusto. Gayunman, ang sagradong kasal sa templo ay nakalaan lamang sa dalawang karapat-dapat na miyembro ng Simbahan na ikakasal sa seremonya na nangyayari lamang sa loob ng templo.
Kabilang-buhay
Para sa amin, ang langit ay ang makasama ang Diyos at si Jesus sa kawalang-hanggan. Nagbibigay ang mga banal na kasulatan ng pananaw ng kung ano ang magiging kalagayan doon. Nagsabi si Jesus, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan” (Juan 14:2). Isa sa pinakadakilang kaligayahan sa langit ay kung tayo ay matuwid, mamumuhay tayo kasama ng ating pamilya at magiging “mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Roma 8:17). Siyempre, hindi namin alam ang bawat detalye ng kung anong mayroon sa langit, ngunit sa huli, naniniwala kami na ito ay lugar ng “walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41), na lubhang magandang pakinggan.
May iba kaming pananaw sa impiyerno kaysa sa mga imahe ng kumukulong putik, apoy, at malalaking tinidor na ipinapakita sa mga pelikula. Para sa mga piniling hindi sundin ang Diyos sa buhay na ito, ang kanilang espiritu ay pupunta sa pansamantalang impiyerno kapag namatay sila. Sa sitwasyong ito, ang “impiyerno” ay tumutukoy sa lagay ng pag-iisip kaysa sa mismong lugar. Ang sakit ay manggaling sa pighati at panghihinayang—hindi mula sa apoy at asupre.
Ngunit ang Diyos at si Jesus ay walang-hanggan ang pagiging makatarungan at maawain. Naniniwala kami na ang mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jesus at tanggapin Siya sa buhay na ito ay magkakaroon ng oportunidad na iyon pagkatapos nilang mamatay. Ituturo sa kanila ang Kanyang ebanghelyo, at kapag bumaling sila sa Diyos, magkakaroon sila ng lugar sa langit pagkatapos ng Huling Paghuhukom.
Ang Huling Paghuhukom ay mangyayari pagkabalik ni Jesus sa mundo at pagkatapos nating mabuhay na mag-uli. Batay sa ating mga kilos at naisin ng ating mga puso, makakaranas tayo ng “antas ng kaluwalhatian” gaya ng inilarawan sa 1 Corinto 15:41–42: “Mayroong kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin, sapagkat ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian. Gayundin naman ang muling pagkabuhay ng mga patay.” Dahil sa perpektong pagmamahal at pang-unawa ng Tagapagligtas, ang lahat ay magkakaroon ng mas mabuting buhay kaysa sa buhay nila sa mundo, pero tanging mga sumunod sa Diyos lamang ang may pagkakataon na mabuhay sa Kanyang piling.
Kapag kinasal ang mga Banal sa mga Huling Araw, nauunawaan nila na ang kasal ay nilayong magtagal nang pang-walang hanggan. Ang mga seremonya ng kasal sa templo ay naglalaman ng mga salitang “para sa habang panahon at sa walang-hanggan,” at hindi “hanggang sa paghiwalayin kayo ng kamatayan [until death do you part].” Ngunit hindi ang mga salita ang nagbibigay-bisa sa walang-hanggang kasal—kundi ang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga anak na isinilang sa mga mag-asawang ikinasal sa templo ay awtomatikong “nakabuklod” sa kanilang mga magulang. Ang mga pamilya na sasapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maaari ding makapunta sa templo at mabuklod nang magkakasama.
Pagdaig sa mga hamon
Okey lang maging malungkot. Maaari kang maging malungkot at manalig na mahal ka ng Diyos at ang mga bagay ay maaayos din sa huli.
Huwag matakot makipag-usap sa isang tao tungkol sa nararamdaman mo, gaya ng grief counselor, kapamilya, mapagkakatiwalaang kaibigan, o lider sa simbahan. Hayaan mo silang tulungan kang mapanatag, maski hindi nila nauunawaan nang lubos ang pinagdaraanan mo.
Makahahanap ka rin ng kapayapaan sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nariyan ang Diyos at nag-aalala Siya sa iyo at nagmamalasakit sa iyo. Inako ni Jesus ang lahat ng pagdurusa upang malaman Niya kung paano ka tutulungang malampasan ang mga pinagdaraanan mo. Makakasama mong muli ang mga mahal mo sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Ang mga turo na ito ay hindi nag-aalis ng lahat ng sakit, ngunit makapagbibigay ang mga ito ng pag-asa at pang-unawa.
“At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man, sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na” (Apocalipsis 21:4).
Ang kaligayahan ay isang desisyon. Maaari nating piliing maging masaya kahit na hindi ayon sa gusto natin ang nangyayari. Kailangan nating tandaan na mahal tayo ng Diyos at na “sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti” (Roma 8:28). Narito tayo para lumago sa gitna ng mga hamon, ngunit narito rin tayo upang makahanap ng kaligayahan sa ating buhay. Maaari nating piliin ang kaligayahan sa pamamagitan ng hindi pagkumpara ng ating sarili sa iba, pagiging mapagpasalamat sa mga bagay na mayroon tayo, paglapit sa mga positibong tao, paglilingkod sa iba, at pagkilala sa kamay ng Diyos sa ating mga buhay. Itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon na “ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).
Mahirap na tanong iyan. Nagsisimula ang lahat sa maliliit na bagay. Una ay dapat magkaroon ng pagnanais na magbago at umasa na ito’y posible. Magagawa mo ito sa tulong ng Panginoon. Itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon na “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).
Pumili ng maliliit na bagay na pwede mong gawin. Maaari itong mga espirituwal na layunin gaya ng pagdarasal, pagbabasa ng banal na kasulatan, o pagsisimba. Maaari ka ring magtakda ng mga layunin na madaig ang masasamang gawi o mga kasalanan. Pinagbayaran ni Jesus ang lahat ng ating mga pagkakamali, kasalanan, at kalungkutan dahil wala sa atin ang perpekto. Kung hindi mo alam kung ano ang dapat mong baguhin, subukang tanungin ang Diyos. Maaari ka ring makipagkita sa mga missionary na makakatulong sa iyo na mas malaman kung ano ang gusto ng Diyos para sa iyo.
Binyag
Oo. Nilinaw ni Jesus na kailangang tayo ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu upang makakapasok tayo sa kaharian ng Diyos (tingnan sa Juan 3:1-13).
Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ipinahayag ng Panginoon na ang tao ay nasa hustong gulang para mabinyagan pagsapit niya ng ika-8 taong gulang. Karamihan ng mga tao ay nakakaunawa na ng tama at mali kapag nasa ganitong edad. Ito ang dahilan kung bakit hindi isinasagawa ng mga miyembro ng Simbahan ang pagbibinyag sa mga sanggol. Sa halip, ang mga bata ay maaaring mabinyagan pagsapit nila ng edad na walo.
Kung ang pagbibinyag ay isinagawa ng walang wastong awtoridad o sa pamamaraan na hindi alinsunod sa kung paano nabinyagan ang Tagapagligtas, kakailanganin itong isagawang muli. Ang pagbibinyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kinakailangan upang maging miyembro.
Naglaan ang Diyos ng paraan para sa lahat na makatanggap ng Kanyang mga biyaya—kahit pagkatapos ng kamatayan. Ang mga pagbibinyag at iba pang mahahalagang ordenansa ay maaaring gawin para sa mga namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang mga ito. Nagturo si Apostol Pablo tungkol sa pagbibinyag ng mga patay sa Biblia (tingnan sa 1 Corinto 15:29) at patuloy na isinasagawa ito ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga templo ngayon.
Ganito iyon ginagawa: Sinasaliksik ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kasaysayan ng kanilang pamilya upang tuklasin ang mga pangalan ng mga tao na namatay nang hindi nabibinyagan. Pagkatapos ay binibinyagan ang mga miyembro para sa kanilang mga ninuno sa templo. Ang paglilingkod na ito para sa iba ay hinahandog nang may pagmamahal—at dahil ang buhay ay nagpapatuloy pagkatapos ng kamatayan, ang lahat ng mga namatay ay malalaman ang tungkol sa mga ordenansa at makakapili kung tatanggapin nila ito o hindi.
Matapos mabinyagan ang isang tao, ang mga taong may awtoridad ng priesthood ay nagpapatong ng kanilang mga kamay sa ulo ng nabinyagan upang “kumpirmahin” silang miyembro ng Simbahan at ibigay ang kaloob na Espiritu Santo.
Itinuro ni Jesus na kailangan ang binyag para makapasok sa kaharian ng langit. Pero paano naman ang mga taong namatay nang hindi nabinyagan o hindi man lang nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jesus? Paano sila maliligtas?
Buti na lang, mapagmahal ang Diyos at naglaan ng paraan para sa lahat na makatanggap ng Kanyang mga biyaya—kahit pagkatapos ng kamatayan. Sa templo, ang pagbibinyag at iba pang mahahalagang ordenansa ay isinasagawa para sa mga namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang mga ito. Nagturo si Apostol Pablo tungkol sa pagbibinyag ng mga patay sa Biblia (tingnan sa 1 Corinto 15:29) at patuloy na isinasagawa ito ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga templo ngayon.
Ganito iyon ginagawa: Sinasaliksik ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kasaysayan ng kanilang pamilya upang tuklasin ang mga pangalan ng mga tao na namatay nang hindi nabibinyagan. Pagkatapos ay binibinyagan ang mga miyembro para sa kanilang mga ninuno sa templo. Ang paglilingkod na ito para sa iba ay hinahandog nang may pagmamahal—at dahil ang buhay ay nagpapatuloy pagkatapos ng kamatayan, ang lahat ng mga namatay ay malalaman ang tungkol sa mga ordenansa at makakapili kung tatanggapin nila ito o hindi.
Gawaing misyonero
Bawat miyembro ay may tungkulin na ibahagi ang ebanghelyo; gayunpaman, nasa tao na kung pipiliin niyang maglingkod ng isang full-time mission o hindi. Higit na hinihikayat ang mga kabataan na magmisyon dahil napakagandang pagkakataon ito para matuto, maglingkod, at umunlad.
Hindi. Ang totoo niyan, maraming mga missionary ang tinutustusan ang kanilang sarili. Kadalasan, pinag-iipunan nila ito nang ilang taon. Minsan ang mga pamilya ay gumagawa ng sakripisyo sa kanilang pinansyal upang makapagpadala ng kanilang missionary.
Hindi. Katunayan, ang “Elder” ay hindi pangalan kundi titulo ng mga lalaking missionary. Ang mga babaeng missionary ay tinatawag naman din na “Sister,” na susundan ng kanilang apelyido. Mga titulo iyon ng paggalang at dangal.
Hindi. Inspiradong mga lider ng Simbahan ang nagtatalaga sa bawat missionary sa partikular na lugar kung saan sila maglilingkod. May ilang nananatili sa sarili nilang bansa, may ibang lumalabas ng bansa, ngunit lahat ay masayang naglilingkod, nalalaman na ang pagtawag na maglingkod ay tiyak na nanggagaling sa Diyos.
Depende sa araw, makikita mo ang mga missionary na dumadalaw sa iba, nagboboluntaryo sa komunidad, nagtuturo tungkol sa Diyos, at iba pa. Pero hindi sila magiging sobrang abala para tulungan ka kung kailangan mo.
Ang paglilingkod nang magkapares ay nakakatulong na mapanatiling ligtas ang mga missionary. Ito ay naaayon din sa paraan na itinuro ni Jesus: “Tinawag niya ang labindalawa, at pinasimulang isugo sila na dala-dalawa” (Marcos 6:7).
May humigit kumulang 65,000 na full-time missionary na mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo. Malamang ay may missionary sa lugar mo sakaling kailanganin mo sila.
Ang unang hakbang kadalasan ay makipagkita sa mga missionary. Ituturo nila sa iyo ang mga pangunahing paniniwala at kaugalian ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Masasagot din nila ang anumang mga tanong mo tungkol sa Simbahan at ipapaalam sa iyo ang maaasahan sa mga miyembro.
Dapat ay magsimula ka na ring sumama sa aming mga miting ng pagsamba. Madarama mo ang kaligayahan na mapabilang sa isang samahan ng mga tao na nagmamalasakit sa isa’t isa at nagsisikap na sundin ang halimbawa ni Jesucristo.
Sa huli, kapag handa ka nang sumapi sa Simbahan, maaari mong piliing mabinyagan at maging opisyal na miyembro. Maaari kang binyagan ng mga missionary o ng sinumang nakilala mo sa simbahan.