Ano ang mga Templo?
Ang mga templo ay mga banal na lugar ng pagsamba kung saan mas mapapalapit tayo sa Diyos.
Ang Bahay ng Panginoon
Ang mga templo ay literal na mga bahay ng Panginoon na itinayo dito sa mundo. Ang mga ito ay mga lugar kung saan ang mga indibiduwal ay maaaring gumawa ng mga sagradong pangako sa Diyos, madama ang kapayapaang hatid ng Espiritu, at maging kanlungan mula sa abala ng pang-araw-araw na buhay.
Kasaysayan ng Mga Templo
Mayroon nang mga templo mula pa noong unang panahon. Detalyadong inilarawan ng Biblia ang magandang templo ni Solomon. Si Moises ay mayroong tabernakulo. Si Jesus ay nagturo sa templo sa Jerusalem. Ngayon, mayroong mahigit sa 150 templo sa buong mundo, kung saan ang matatapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagpupunta para sumamba, magnilay, at matuto pa tungkol sa plano ng kaligayahan ng Diyos.
Ang mga pagpapala ng templo
Dahil ang templo ay ang Bahay ng Panginoon, madarama natin na talagang malapit tayo sa Diyos kapag bumisita tayo roon. Ang pakiramdam na ito ay makapagbibigay sa atin ng pag-asa kapag may mga pagsubok at patnubay kapag kailangan natin ng gabay sa ating buhay.
Sa templo ay matatanggap natin ang pinakadakilang mga pagpapalang maibibigay ng Diyos. Kapag ang magkasintahan ay ikinasal sa templo, sila ay pinag-iisa “para sa habang panahon at sa walang-hanggan” sa halip na “hanggang sa paghiwalayin tayo ng kamatayan [until death do us part].” Ang templo ay lugar kung saan mapaglilingkuran din natin ang ating mga ninuno at mga mahal sa buhay na namatay na. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga seremonya (tulad ng binyag) para sa kanila kung hindi sila nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ito noong nabubuhay pa sila.