Paano Manalangin
Mas madali ang pagdarasal kaysa inaakala mo. Nariyan ang Diyos at diringgin at sasagutin Niya ang iyong mga panalangin.
Apat na hakbang sa panalangin
Ang Diyos ang iyong mapagmahal na Ama sa Langit, at nais Niyang makipag-usap ka sa Kanya. Maaari mo Siyang makausap sa pamamagitan ng pagdarasal sa Kanya. Bilang Kanyang anak, maaari kang humiling sa iyong Ama sa Langit ng tulong at gabay para sa iyong buhay.
Ang pagdarasal ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pagsasalita o sa isipan. Maaari mong kausapin ang Diyos na tulad ng pagkausap mo sa isang tao. Ang iyong pananalita ay hindi kailangang pormal o kabisado. Mas mahalagang buksan mo ang iyong puso at maging tapat sa pagbabahagi ng iyong mga saloobin. Maniwala na Siya ay nariyan at nakikinig, dahil talagang nariyan Siya at nakikinig. Maniwala na tutulungan ka Niya, dahil talagang tutulungan ka Niya.
1. Simulan ang iyong panalangin
Bago ka magsimula, maghanap ng isang tahimik na lugar kung saan ay magiging komportable ka. Isang magandang paraan para magsimula ay ang pagtawag sa Diyos sa Kanyang pangalan. Maaari mong subukan ang “Mahal na Diyos,” “Ama sa Langit ,” “Ang aming Amang nasa langit,” o “Diyos.”
2. Kausapin ang Diyos
Sabihin ang nilalaman ng iyong puso at ibahagi ang iyong mga pinapangarap at ninanais at pati na rin ang iyong mga alalahanin at problema. Maaari kang humingi sa Kanya ng tulong, patnubay, kapatawaran, o pagpapagaling. Ibahagi sa Kanya ano man ang nasa isip mo, na kinikilala na ang Kanyang karunungan at panahon ay mas nakahihigit kaysa sa iyo. Maaari mong itanong sa Kanya kung ano ang ninanais Niya para sa iyo.
Ibahagi sa Diyos ang iyong saloobin tungkol sa ibang tao. Maaari mong ipanalangin ang kanilang mga pangangailangan o humiling na malaman kung paano sila mamahalin at tutulungan.
Ipahayag ang iyong pasasalamat sa Diyos para sa lahat ng pagpapala sa iyong buhay. Kahit ang mga pagsubok ay maaaring maging pagpapala. Natutulungan tayo ng mga ito na maging mapagkumbaba, na siyang dahilan para maging bukas ang ating puso’t isipan para tanggapin ang mga sagot ng Diyos.
3. Tapusin ang iyong panalangin
Pagkatapos mong masabi ang lahat ng nais mong sabihin, maaari mong tapusin ang iyong panalangin sa pagsasabi ng, “Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Ginagawa natin ito dahil si Jesus ang daan para makaugnayan natin ang Ama sa Langit at lahat ng bagay ay dapat gawin sa Kanyang pangalan.
4. Kumilos ayon sa iyong mabubuting hangarin
May karunungan sa kasabihang, “Magdasal na para bang ang lahat ay nakasalalay sa Panginoon, at pagkatapos ay magsikap na para bang ang lahat ay nakasalalay sa iyo.” Sa prosesong ito ng paggawa tayo palaging nakakatanggap ng patnubay at tulong mula sa Diyos.
Pagtanggap ng sagot sa ating mga panalangin
Ipinangako ng Diyos na kung babaling tayo sa Kanya sa panalangin, bibigyan Niya tayo ng patnubay at sagot sa ating mga katanungan.
Ang Diyos ay nakikipag-usap sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pagbibigay sa atin ng mabubuting kaisipan at ideya o damdamin ng kapayapaan at kapanatagan. Kapag nadama natin ang mga ito, ibig sabihin ay hinihikayat tayo ng Diyos, at ipinapakita Niya sa atin ang katotohanan, at binibigyan tayo ng patnubay.
Lahat ay madarama ang Espiritu Santo sa kanilang sariling paraan. Sa Biblia, madalas itong ilarawan bilang “banayad at munting tinig,” (tingnan sa 1 Mga Hari 19:11–12) na halos parang isang bulong sa iyong isipan.
Madalas na sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin sa pamamagitan ng ibang tao. Ang Diyos ay maaaring maglagay ng mga tao sa ating buhay sa tamang panahon na makapagbibigay ng sagot o magiging mismong sagot na ating hinahanap. Makakatanggap din tayo ng mga sagot sa ating panalangin sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga turo ng Kanyang mga propeta sa Biblia at Aklat ni Mormon. Kapag tayo ay nanalangin at binasa ang mga aklat na ito, mabibigyan tayo ng Banal na Espiritu ng mga ideya at patnubay na para mismo sa ating sariling sitwasyon. Ang paglalaan ng panahon para aralin ang Kanyang salita ay isa ring paraan na maipapakita natin sa Diyos na talagang nais nating matanggap ang Kanyang sagot.