Ang Pamilya Mo Ay Maaaring Maging Walang-Hanggan
Ginawang posible para sa atin ni Jesucristo na makasamang muli ang ating mga pamilya at ninuno matapos ang buhay na ito.
Mahalaga ang pamilya sa Diyos
Ang mga pamilya ay nasa sentrong bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa ating kaligayahan. Isinilang tayo sa isang pamilya. Hinahangad nating bumuo ng matatag na ugnayang pampamilya. Ang tahanan ay lugar kung saan madarama natin ang suporta, kaligtasan, at pagmamahal. Hindi gusto ng Diyos na magwakas ang relasyon ng pamilya pagkamatay natin. Dahil sa mga templo, maaari tayong magkasamang muli ng ating pamilya sa kabilang buhay.
Hanggang paghiwalayin kayo ng kamatayan?
Kapag kinasal ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nauunawaan nilang ang kasal ay magtatagal nang pang-walang hanggan. Ang mga seremonya ng kasal sa templo ay naglalaman ng mga salitang “para sa habang panahon at sa walang-hanggan,” at hindi “hanggang sa paghiwalayin kayo ng kamatayan [until death do you part].” Ngunit hindi ang mga salita ang nagbibigay-bisa sa walang-hanggang kasal—kundi ang kapangyarihan ng Diyos.
Kapangyarihan ng Diyos na magbuklod
Sa Biblia, ibinigay ni Jesus sa Labindalawang Apostol ang kapangyarihang magbuklod, o mga “susi” ng pagbubuklod. Ang kapangyarihang iyon ay nangangahulugang ang kasal, at marami pang magagandang mga pagpapala, ay maaaring magtagal nang walang hanggan. Ang mga “susi” ang nagbibigay-daan upang ang mga kasal ay mabuklod o maitali nang walang hanggan. Walang makakabali ng pagbubuklod na iyon maliban sa kawalan ng katapatan sa mga pangakong ginawa natin sa ating asawa o sa Diyos.
Nang ipinanumbalik ng Diyos ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Joseph Smith, ipinanumbalik din Niya ang kapangyarihang magbuklod sa lupa. Kapag kinasal ang magkasintahan sa templo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang taong nagsasagawa ng seremonya ay binigyang pahintulot na gamitin ang kapangyarihang iyon.
Ang kapangyarihan ng pagbubuklod ay umaabot sa mga anak
Ang mga anak na isinilang sa mga mag-asawang ikinasal sa templo ay awtomatikong “nakabuklod” sa kanilang mga magulang. Ang mga pamilya na sasapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maaari ding makapunta sa templo at mabuklod nang magkakasama.