Simbahan ni Jesucristo
Noong nasa lupa si Jesus, itinatag Niya ang Kanyang Simbahan. Ang Simbahang iyon mismo ang naririto ngayon.
Si Jesus ay nagtatag ng isang simbahan
Isinugo ng Diyos si Jesus, hindi lamang para iligtas tayo mula sa kasalanan, kundi para magtatag din ng isang simbahan. Nang mamatay si Jesus, nag-iwan Siya ng higit pa sa makapangyarihang mga sermon at turo. Nag-iwan Siya ng mga Apostol, utos, at isang pangunahing organisasyon ng simbahan na magpapatuloy sa pagpapala sa iba sa loob ng matagal na panahon pagkatapos ng kamatayan Niya. Binigyan din Niya ang mabubuting mga lalaki ng priesthood, o ng kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa Kanyang pangalan. Iyon din ang kapangyarihang ginamit ni Jesucristo mismo para pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, basbasan ang naghihirap, at hirangin ang mga tao para mamuno sa Kanyang Simbahan.
Tumalikod ang Simbahan sa katotohanan
Nang lumaki ang Simbahan, naharap ang mga Apostol sa lumalaking kaguluhan at di-pagkakasundo sa mga nananalig at marahas na oposisyon mula sa mga walang pananalig. Pinatay ang mga Apostol, at nagsimula ang di-pagkakasundo ng mga tao sa mga pangunahing turo ni Jesus. Nagsimulang magbuo ng iba’t ibang simbahan ang mga tao nang walang awtoridad ng Diyos para gawin iyon. Ang mga simbahang iyon ay magkakaibang lahat sa isa’t isa—at malayo sa orihinal na Simbahan ni Jesucristo.
Dahil dito, nagdanas ng malawakang apostasiya ang Kristiyanismo, o paglayo sa mga pangunahing paniniwala ng relihiyon. Ang tunay na Simbahan ayon sa pagkatatag dito ni Jesus ay hindi na matagpuan sa lupa. Ang awtoridad ng priesthood ng Diyos na kumilos sa Kanyang pangalan ay nawala, naging tiwali ang dalisay na mga alituntunin, at kakaunting bahagi lamang ng mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo ang natagpuan sa maraming simbahan.
Ang Simbahan ni Jesucristo ay ipinanumbalik
Pagkaraan ng maraming siglo, tumawag ang Diyos at si Jesus ng isang bagong propeta, si Joseph Smith, para ipanumbalik ang Simbahan at lahat ng totoong turo nito.
Lumaki si Joseph sa abang sitwasyon sa Palmyra, New York. Maraming simbahan at pastor noon ang nagpapaligsahang makapagbinyag ng mga bagong kasapi sa lugar. Nalito si Joseph kung aling simbahan ang dapat niyang sapian dahil magkakaiba ang itinuturo nilang lahat. Nabasa niya ang isang talata sa Biblia na nagsabi na tanungin ang Diyos kung mayroon kang tanong, at sasagot Siya.
Nagdesisyon si Joseph na magdasal. Nagtungo siya sa isang tagong lugar sa kakahuyan at lumuhod. Mapagpakumbaba siyang nagtanong sa Diyos sa panalangin kung aling simbahan ang dapat niyang sapian. Nagpakita sa kanya ang Diyos at si Jesus sa isang pangitain. Kalaunan, inilarawan ni Joseph ang sagradong karanasang ito:
“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin … Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17).
Sinabi ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph na huwag sumapi sa alinman sa umiiral na mga simbahan. Sinabi Nila sa kanya na sa pamamagitan niya, kalaunan ay ipanunumbalik ni Jesus ang Kanyang orihinal na Simbahan. Si Joseph Smith ay magiging propeta, tulad ng mga propeta sa Biblia noong unang panahon. Ibinigay sa kanya ang awtoridad ng priesthood na nawala, at kasama roon, ang kapangyarihang magbinyag, magpagaling ng maysakit, at tumawag ng mga Apostol at iba pang mga lider. Ang ipinanumbalik na Simbahan ay opisyal na inorganisa noong 1830.