Mga Alituntunin ng Ebanghelyo
Ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya, pagsisisi, binyag, at pagtanggap sa Espiritu Santo.
Pananampalataya
Pananampalataya ang unang alituntunin ng ebanghelyo. Kapag mayroon kang pananampalataya, naniniwala ka sa isang bagay na hindi mo nakikita ngunit alam mong nariyan. Gaya ng alam mong sisikat ang araw tuwing umaga, maaari mo ring malaman na totoo ang Diyos.
Nabubuo ang pananampalataya tuwing sinusubukan natin ang mga pangako ng Diyos at tinitingnan ang mga pagpapala. Halimbawa, nangako ang Diyos na sasagot Siya kapag nagdasal tayo. Kailangan muna nating magdasal bago makita ang mga pagpapala. Inihambing ng Aklat ni Mormon ang pananampalataya sa isang binhi. Kailangan nating magtanim ng pananampalataya sa ating mga puso at mag-uumpisa itong lumago. Kung tayo ay matiyaga at patuloy na aalagaan ang ating binhi, lalagong malakas ang ating pananampalataya gaya ng isang puno (tingnan sa Alma 32:27–42).
Pagsisisi
Itinuturo sa atin ng Biblia na ang Diyos ay mapagmahal at pinapatawad Niya ang Kanyang mga anak tuwing sila ay humihiling ng kapatawaran. Habang tayo ay nagsisisi at nagbabago, pinapatawad tayo ng Diyos sa ating mga pagkakamali. Bilang ganti, dapat nating sundin ang halimbawa ni Jesus at patawarin ang iba.
Ang pagsisisi ay hindi lamang paghingi ng paumanhin. Nagsisimula ito sa tunay na pagnanais na magbago. Kailangan mong aminin ang iyong kasalanan sa Diyos at sa sinumang nagawan mo ng mali, magbayad-pinsala kung kailangan, at sikaping hindi na muling ulitin ang kasalanan. Siyempre, hindi ka laging perpekto, ngunit kung taos-puso ka sa iyong mga pagsisikap, ang biyaya ni Jesucristo ay tutulong sa iyo na maging malinis muli.
Binyag
Ang pagpapabinyag ay isang tipan—o pangako—na ginagawa mo sa Diyos. Kapag nabinyagan ka, ipinapangako mong paglilingkuran Siya at susundin ang Kanyang mga kautusan sa abot ng iyong makakaya. Itinuro ni Jesus, “Malibang ang isang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos” (Juan 3:5 ). Ibig sabihin nito na ang pagpapabinyag, o ang “ipanganak ng tubig,” ay kailangan upang makapasok sa langit.
Ang mga Pangako ng Binyag
“Magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan” (Mosias 18:8).
“Makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati … at aliwin yaong mga nangangailangan ng
aliw.” (Mosias 18:9).
“. . . nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo” (Mosias 18:10).
“Tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring
naroroon” (Mosias 18:9).
“Inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan” (Mosias 18:10).
“. . . nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Mosiah 18:9).
Ang mga binyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isinasagawa sa pamamagitan ng paglubog, nangangahulugang ang buong katawan ay nakalubog sa tubig at iaahon muli. Sinasabi sa Biblia na “nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig” (Mateo 3:16). Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglubog ay may napakagandang simbolo, hindi lamang ng paghuhugas mula sa ating mga kasalanan, kundi ng kamatayan, paglibing, at pagkabuhay na mag-muli. Ang binyag ay nagpapabatid ng pagwawakas ng iyong nakaraang pamumuhay at pagsilang sa buhay na nakatuon sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus.