Ang Layunin ng Buhay
Ang buhay natin ay panahon upang umunlad, mamuhay sa pananampalataya, maging masaya, at maghandang makabalik sa piling ng Diyos.
Ang Diyos ay may plano para sa ating kaligayahan
Ang buhay ay mayroong layunin at kahulugan. Bilang ating mapagmahal na Ama sa Langit, nais ng Diyos na tayo ay magkaroon ng kaligayahan at kagalakan. Lumikha Siya ng plano upang tayo ay umunlad, mamuhay sa pananampalataya, bumuo ng pamilya, at makabalik sa Kanyang piling balang araw. Ang plano ng Diyos, na kadalasang tinatawag na plano ng kaligtasan, ay nagbibigay ng kahulugan at konteksto sa ating buhay dito sa mundo sa pamamagitan ng pagsagot sa malalaking tanong: “Saan ako nanggaling?” “Bakit ako narito?” at “Ano ang mangyayari pagkatapos kong mamatay?”
Alamin ang tungkol sa Plano ng Kaligtasan ng Diyos
Bago ka isinilang, nabuhay ka sa piling ng Diyos, ang iyong Ama sa Langit. Kilala ka Niya, mahal ka Niya, at tinuruan ka Niya tungkol sa mga pagpiling hahantong sa walang-hanggang kaligayahan. Ang panahong ito ay tinatawag na buhay bago tayo isinilang.
Nais ng Diyos na pumunta tayo rito sa mundo para tumanggap ng pisikal na katawan. Dito ay magkakaroon tayo ng mga pagsubok at karanasang tutulong sa atin na matuto at umunlad upang tayo ay maging higit na katulad Niya.
Alam ng Diyos na tayo ay magkakamali, kaya pinili Niya si Jesus na magpunta sa mundo at magdusa para sa ating mga kasalanan. Ang sakripisyo ni Jesus ay tumutulong sa atin na mapatawad at malinis mula sa ating mga kasalanan upang tayo ay makabalik sa piling ng Diyos balang araw.
Dito sa mundo, hindi na natin naaalala na namuhay tayo noon kasama ang Diyos. Kailangan nating magkaroon ng pananampalataya, umasa kay Jesus, at matutong pumili ng tama at mali. Hindi madali ang buhay, pero natutulungan tayo ng mga paghihirap na pahalagahan ang kaligayahan at kapayapaan.
Si Jesus ay nagdusa at namatay para sa ating mga kasalanan. Ngunit hindi nito inaalis ang ating responsibilidad—kailangan nating piliing tanggapin si Jesus sa pamamagitan ng pagsisisi kapag nagkamali tayo, pagpapabinyag, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Pagkamatay natin, maghihiwalay ang ating espiritu at katawan. Ang ating espiritu ay pupunta sa daigdig ng mga espiritu. Ito ay isang lugar ng kapahingahan at kaligayahan para sa mga gumawa ng mabubuting pagpili at isang impiyerno para sa mga gumawa ng masasamang pagpili.
Ang daigdig ng mga espiritu ay hindi ang huling hantungan o huling paghuhukom. Dahil ang Diyos ay mapagmahal at makatarungan, ang mga nasa daigdig ng mga espiritu na hindi kailanman nalaman ang tungkol kay Jesus ay tuturuan ng Kanyang ebanghelyo at bibigyan ng pagkakataong tanggapin Siya bilang kanilang Tagapagligtas.
Pinagtagumpayan ni Jesus ang kamatayan upang tayo ay muling mabuhay. Ito ang tinatawag na Pagkabuhay na Mag-uli. Kapag tayo ay nabuhay na mag-uli, ang ating espiritu at katawan ay magsasamang muli. Ang ating katawan ay magiging perpekto at hindi na tayo kailanman mamamatay.
Hahatulan tayo ni Jesus ayon sa ating mga gawa at sa mga hangarin ng ating puso. Siya ay magiging maawain hangga’t kaya Niya. Dahil magkakaiba ang ating mga gawa at mga hangarin, ang langit ay mayroong iba’t ibang kaharian o antas ng kaluwalhatian.
Ang ating Ama sa Langit at si Jesus ay naninirahan sa kahariang selestiyal. Kung susundin mo ang mga turo ni Jesus at tatanggapin ang Kanyang nakapagliligtas na biyaya, ikaw ay maninirahan sa piling ng Diyos at magkakaroon ng walang-hanggang kaligayahan. Maaari mo ring makasama ang iyong pamilya sa walang hanggan.
Ang mga taong tumangging tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo ngunit namuhay naman ng marangal na buhay ay tatanggap ng lugar sa kahariang terestriyal.
Ang mga taong nagpatuloy sa kanilang mga kasalanan at hindi nagsisi ay tatanggap ng lugar sa kahariang telestiyal.
Pipiliin ba nating sundin ang Diyos?
Sa buhay, tayo ay natututo at umuunlad sa pamamagitan ng mga karanasan na kapwa maganda at hindi maganda. Hinahayaan tayo ng Diyos na pumili ng tama o mali, at piliin kung maglilingkod tayo sa ibang tao o sarili lamang natin ang ating aalalahanin. Nangako Siya ng mga dakilang pagpapala sa mga yaong pipiliing sumunod sa Kanya. Ang hamon sa atin ay ang magkaroon ng pananampalataya sa Kanyang plano, kahit na hindi pa natin natatanggap ang mga sagot sa ating mga katanungnan.
Dahil lahat tayo ay nakakagawa ng pagkakamali, ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak na si Jesucristo, upang tayo ay maging malinis at mapatawad. Ginawang posible ni Jesus na makabalik tayo sa piling ng Diyos. Kapag tinanggap natin si Jesus at sinunod ang Kanyang halimbawa, mababawasan ang ating pagiging makasarili at magkakaroon tayo ng higit na pagmamahal, kapayapaan, at kaligayahan.